top of page

“Hiwaga ng Pag- ibig”


Ang buwan ay nababalot na ng kadiliman. Namamayani ang musika ng katahimikan sa buong paligid. Wala ni katiting sinag na masisilayan kundi ang nagkikislapang mga mata ng mga kuwago. Ang mga sandaling ito ay nagbubukas sa kahon ng kahapon. Gayong ang bawat nilalang ay nasa kalagitnaan na ng pagkahimbing, ang nakadilat kong mga mata ay nagsimula sa pagpapalabas ng luha. Simbolo ito ng matinding kirot. Naglalakbay ang aking isipan sa isang mapait na nakaraang patuloy na pumupukaw sa aking konsensya. Nakakabinging pakinggan ang bulong ng karma! Bunga ito ng sarili kong gawa. “Sino ba ako para magpaikot ng taong tunay na nagmahal sa akin”? Isa lamang akong normal na nilalang na tinamaan ng pag- ibig. Binago ang kulay ng aking katauhan at maging ang sarili'y pilit na inibang anyo, pilit na binihisan upang maging isang kaaliw- aliw na tao. Ang lahat ng mga ito'y sa pamamagitan ng mahika ng pag- ibig. Hindi man lang natanim sa aking isipan na sa kabila ng hiwaga na aking nakamtan ay may kadilimang babagabag sa aking landas. Pumulot ako ng bato at inihagis sa sariling noo. Pinabayaan kong lumisan ang taong binigyan ako ng halaga; binalewala, tinalikuran, bagama’t ako'y kanyang minahal! Ayoko na! Tama na! Kinakaladkad ako ng mga pangyayari. Tama sila! Dapat mong pahalagahan ang isang tao habang nandiyan pa siya sa iyong tabi. Huwag kang gumawa ng isang bagay na pagsisisihan mo sa huli! Ang tunay na nagmamahal ay hindi binabalewala ang anumang sakripisyo, hindi gumagawa ng mga bagay para sa sariling benepisyo lamang. Pero papaano na? Mapupunan ko pa ba ang bahaging kulang? Maibabahagi ko pa ba ang mga ito? Heto ako ngayon lumilipad ang isipan; puno ng pagsisisi; puno ng pighati. Kung maibabalik ko lang ang kahapon. Sinubukan kong gumawa ng panibagong kapalaran. Sinubukan kong salubungin ang panibagong hamon ng pag- ibig. Ang puso ko'y muling humiwaga, muling pumintig, at muling sumaya. Subalit anong kamalasan ang natamo, isinawalang bahala rin ako paglipas ng panahon. Buong puso kong ginawa ang lahat ng angking kakayahan para sa kapakanan niya. Sa ikalawang pagkakataon ako'y nagbagong buhay para lang sa kanya. Malubha na ang sugat ng puso kong ito. Ngunit wala na akong korona para magmataas. Inani ko na ang bunga ng itinanim kong isang bulok na halaman. Bumalik sa akin ang lahat. Inani ko ang mga tinik. Inani ko ang mga bala ng kasawian! Napakasakit damdamin na kung saan pa na nagbago ka na at umibig muli doon pa nauwi sa isang kabiguan. Walang humpay sa pagdaloy ang mga luha sa aking mga mata habang nakayuko. Kasabay sa aking pagluha ang matapang na kaitiman ng gabi. Narinig ko ang munting tinig na bumubulong sa aking tainga. “Huminahon ka, tumayo ka mula sa malagkit na putik kung saan ka nadapa. Harapin mo ang bukas pagkat may itinakdang magmamahal sa ‘yo. May pag- asa pa! Lumingon ka sa daigdig mong ginagalawan at makikita mong may isang Dakila na higit na nagmamahal at nagpapatawad!”! Tila isang malambot at kahali- halinang musika ang aking narinig. Nakapagpaluwag sa aking puso’t isipan. Pinawi nito ang sakit na aking nararamdaman. Natanaw ko ang unti- unting pagbukas ng kalangitan. Nasilayan ko ang kumikislap na liwanag. Pinahid ko ang mga pumapatak na luha sa aking mga mata. Nilimot ko ang masamang ala- ala ng kahapon. Pinagsisihan ko ang aking mga nagawang kasalanan at buong lakas akong tumayo. Ngayon alam ko na! May darating na liwanag sa gitna ng kadiliman. May nagpapatawad sa taong nagkasala. Higit sa lahat may papalit na pag- ibig sa kabila ng kabiguan. Sa wakas ipagpapatuloy ko na ang paglalakad sa aking landas kasama Siya. Ang aking Tagapagligtas. Ang lumikha sa akin. Ang “Hiwaga ng Pag- ibig”.

Tags:

Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square

© 2023 by Michelle Ryder. Proudly created with Wix.com

bottom of page