top of page

“I'll Never Go” (Narrative Type of Story)


Noong Unang panahon sa bansang Jamaica, nagkakasagupaan ang dalawang kaharian ng Mecca at Bethel. Nag patuloy ito hanggang sa modernong panahon ng sumunod pang mga henerasyon. Si Prinsesa Shen Yah na anak nina Haring Joh Rowah at Reyna Rosa ng Kaharian ng Bethel ay iniibig ni Prinsipe Shou Doh na anak ng Hari at Reyna ng mortal nilang kaaway- ang Kaharian ng Mecca. Dahil sa gusto nito ang Prinsesa, nakiusap siya sa kanyang Ama't Ina na gumawa ng paraan upang mapalapit sa Prinsesa. Pinagbigyan nila ang kagustuhan ng anak at sinubukang makipag- usap sa Hari't Reyna ng Bethel. Isang kasunduan ang naganap sa kanilang usapan. Ititigil na nila ang pakikipaglaban, magiging mapayapa na ang bansa, at magkakaisa ang dalawang kaharian sa pamamahala para sa kabutihan ng mga tao sa Jamaica. Kapalit ito ng pagpapakasal ni Prinsesa Shen Yah kay Prinsipe Shou doh. Nang malaman ng Prinsesa ang tungkol dito, gumawa siya ng hakbang upang hindi makasal sa Prinsipe. Isang hating gabi, habang natutulog na ang lahat, nagpasya itong umalis ng bansa upang makatakas. Ito lamang ang tanging paraan para hindi matuloy ang kasunduan ng dalawang kaharian. Magaling sa pakikipaglaban si Shen Yah kaya nalusutan niya ang mga kawal na nakabantay sa buong palasyo. Tumungo ito sa bahay ng kanyang kaibigan at tinulungan siya nitong makaalis agad ng bansa. Pumunta siya sa isa pa niyang kaibigan na si Elsa sa bansa ng Sinai at ikinuwento niya ang nangyari. Mag- isang nakatira sa isang apartment si Elsa dahil doon na nagtatrabaho ang kanyang mga magulang sa Russia. Doon nagtago at nakitira si Shen Yah. Nang matuklasan sa Jamaica ang kanyang pagtakas, naghanda ang buong kaharian upang hanapin siya. Galit na galit si Prinsipe Shou Doh nang malaman niya ito at nagkagulo ang dalawang kaharian. Paglipas ng isang buwan, nagdesisyon si Shen Yah na maghanap ng trabaho upang makatulong kay Elsa. Hindi sumang- ayon si Elsa ngunit nagpumilit pa rin ito kaya nakapagtrabaho siya bilang isang singer sa isang sikat na hotel sa Sinai. Isang gabi habang pauwi sa apartment ay bigla siyang hinarangan ng isang grupo ng mga lalaki. Pinagtangkaan siya ng masama kaya napililitan itong makipaglaban. May isang lalaking bumaba ng kotse at tinulungan siya sa pakikipaglaban hanggang sa nagsitakbuhan ang mga lalaki. Doon sila nagkakilala ni John Lie. Inihatid siya nito sa apartment. Isa rin pala itong Singer sa hotel kung saan siya nagtatrabaho. May mga pagkakataong magkasama silang kumakanta sa mga malalaking event ng hotel. Doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Madalas dumadalaw si John Lie sa apartment nila Shen Yah at naging kaibigan din niya si Elsa. Namamasyal din sila sa mga magagandang lugar sa Sinai. Naging malalim ang kanilang pagkakaibigan hanggang sa nauwi ito sa isang pag- iibigan at sila’y naging magkasintahan.

Gayunpaman, inilihim ni Shen Yah ang kanyang totoong pagkakatao. Ang buong pagkakaalam ni John Lie ay isa lamang siyang ordinaryong tao ng Jamaica na lumuwas ng bansa upang magtrabaho sa Sinai. Nakarating sa kaharian ng Bethel ang balita na naroon sa Sinai si Shen Yah. Ipinag- utos ng Hari't Reyna sa mga kawal na pabalikin si Shen Yah sa bansa at pumunta ang mga ito sa Sinai upang hanapin ang Prinsesa. Habang naghahapunan sina Shen Yah at Elsa, biglang may kumatok at binuksan ito ni Elsa. Laking gulat niya nang bigla siyang tinutukan ng espada. Nabigla si Shen Yah nang makita niyang mga kawal ito ng kanyang Ama't Ina. Nagmatigas siyang hindi babalik sa Jamaica ngunit pinagtangkaang patayin si Elsa kaya wala siyang nagawa kundi sumama. Ibinilin niya kay Elsa na wag sabihin kay John Lie ang lahat tungkol sa kanya. Malungkot na umalis si Shen Yah at nang makarating sa Jamaica, galit ang kanyang inabot sa Ama't Ina. Itinuloy ng dalawang kaharian ang kanilang kasunduan at nghanda para sa kasal nina Prinsipe Shou Doh at Prinsesa Shen Yah. Nang papalapit na ang araw ng kasal, walang ginawa si Shen Yah kundi magmukmok sa kanyang silid habang nakatingin sa litrato nila ni John Lie. Ang hindi niya alam, pinagmamasdan siya ng kanyang Ina at galit na galit ito. Nagtaka si John Lie kung bakit hindi na niya makontak si Shen Yah kaya pinuntahan niya ito sa kanilang apartment. Nadatnan niya si Elsa sa bahay at tinanong niya kung nasaan si Shen Yah. Hindi alam ni Elsa ang kanyang isasagot. Gusto niyang sabihin ang lahat- lahat kay John Lie ngunit nangako ito kay Shen Yah na wag itong sabihin sa kanya. Sinabi na lang niya na bumalik na ng Jamaica si Shen Yah dahil may sakit ang kanyang Ina at hindi niya alam kung babalik pa ito. Nalungkot si John Lie sa nalaman at umuwi itong sawi. Sa kabilang dako, habang naliligo si Shen Yah, pinasok ng kanyang Ina ang kanyang silid at kinuha ang litrato nila ni John Lie. Ipinakita niya ito sa Hari at ipinag- utos nila sa mga kawal na hanapin at patayin si John Lie upang hindi na ito makasagabal pa sa kanilang plano. Ang hindi nila alam, napadaan si Shen Yah habang nag- uusap ang mga ito at narinig niya ang lahat. Pinag- aralan at binantayan niya ang mga kilos ng mga kawal. Kinaumagahan, naghanda ang mga ito at nalusutan na naman sila ni Shen Yah. Nagpanggap ito bilang isa sa mga kawal at nakasama ito sa Sinai. Madali nilang natunton ang kinaroroonan ni John Lie dahil nagmonitor ang mga ito sa buong Sinai. Bigla silang sumugod sa bahay ni John Lie. Tumungo si Shen Yah sa likod ng bahay at umakyat sa bintana ng kwarto ni John Lie ngunit nakita niyang hinuli na ito at isinakay sa sasakyan. Hinanap niya ang susi ng sasakyan ni John Lie at sinundan ang mga ito. Dinala nila si John Lie sa isang tagong lugar at tinutukan ng espada. Ngunit bago pa lamang nila itong pagtangkaang patayin, nakipaglaban si Shen Yah sa mga ito. Walang nagawa si John Lie dahil nakatali ang buong katawan nito. Matagal ang naganap na labanan at napatay ni Shen Yah ang mga kawal sa galing niya sa pakikipaglaban. Tinanggalan niya ng tali si John Lie at tinanggal niya ang suot na maskara. Nabigla si John Lie sa kanyang nakita. Sinabi ni Shen Yah ang buong katotohanan at humingi ito ng kapatawaran sa paglihim niya sa kanyang tunay na pagkatao. Nasaktan si John Lie sa kanyang nalaman at sa sobrang sama ng loob ay tinalikuran siya nito. Hinabol siya ni Shen Yah ngunit mabilis itong sumakay sa kanyang kotse at umalis. Sumakay naman si Shen Yah sa sasakyang ginamit ng mga kawal at dumeritso sa apartment nila ni Elsa. Kinaumagahan nagdisisyon itong bumalik ng Jamaica upang magpakasal kay Prinsipe Shou Doh para sa kapayapaan ng lahat. Nalungkot si Elsa sa nangyari sa magkasintahan kaya pinuntahan niya si John Lie upang sabihin ang tungkol dito. Nang malaman ito ni John Lie humingi siya ng tulong kay Elsa upang puntahan si Shen Yah sa Jamaica. Lumuwas ng Jamaica si John Lie at tumungo sa Kaharian ng Bethel ngunit nang makarating sa gate ay hinuli siya ng mga kawal. Nalaman ito ni Shen Yah at pinuntahan niya si John Lie ngunit hinarangan siya ng mga kawal. Nagmakaawa siya sa kanyang Ama't Ina na pakawalan si John Lie ngunit hindi ito nakinig sa kanya at ipinag- utos na patayin si John Lie. Tinutukan ito ng espada at nang nakahanda na siyang patayin ay buong lakas na pumalag si Shen Yah mula sa mga kawal at tumakbo sa kinaroroonan ni John Lie. Niyakap niya ito at sa kanya tumusok ang espada. Natulala ang lahat sa hindi inaasahang pangyayari. Tumakbo ang Hari't Reyna sa kinaroroonan ni Shen Yah at agad nila itong dinala sa kanyang silid at ipinatawag ang Doktor ng palasyo. Dahil sa pangyayaring iyon, natauhan ang Hari't Reyna at labis ang kanilang pagsisisi sa mga nagawa. Humingi rin sila ng tawad kay John Lie. Nakaligtas sa kritikal na kondisyon si Shen Yah at nagkaayos sila ni John Lie at ng kanyang Ama’t Ina. Nakarating ang balita sa kaharian ng Mecca at galit na galit ang mga ito sap ag- urong ni Shen Yah sa kasal nila ni Prinsipe Shoh Doh ngunit kinausap sila ng maayos ng Hari't Reyna ng Bethel at naging matagumpay ang kanilang kasunduan na mgkaisa ang kanilang kaharian para sa ikakabubuti ng bansang Jamaica. Ikinasal si Prinsipe John Lie at Prinsesa Shen Yah sa kaharian ng Bethel at dumalo ang Hari't Reyna at Prinsipe Shou Doh ng Mecca pati na rin si Elsa at mga magulang at kapatid na babae ni John Lie na mula sa Bethany. Nabighani si Prinsipe Shou Doh nang una niyang makita ang kapatid ni John Lie at ipinakilala niya ito sa kanya. Simula noon, lalong umunlad ang bansa ng Jamaica. Ikinasal si Prinsipe Shou Doh sa kapatid ni John Lie kaya nagdesisyon na rin ang kanilang mga magulang na doon na manirahan. Masayang nagkakaisa ang dalawang kaharian sa pamamahala ng bansa ng Jamaica.

-Wakas-

Tags:

Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square

© 2023 by Michelle Ryder. Proudly created with Wix.com

bottom of page